“Tumatakbo ang oras naiiwan na ako
Ng panahon
Di na nagbago bawat araw
Pare-pareho
Parang kahapon”
Taon na ang lumipas, nakakaapat na semestre na ako at dalawang summer class, pero aminado ako na hanggang ngayon e wala pa rin akong kasiguraduhan sa pinaggagawa ko sa buhay at sa kung ano ba itong napasok ko. Lalo na ngayon na habang tumatagal, palinaw ng palinaw ang katotohanan na parang wala akong pinatutunguhan. Hindi ko alam kung umuusad ba ako o nahuhuli sa agos.
Naiinggit ako sa mga kakilala ko na parang gustong- gusto ang ginagawa nila, na nahanap na talaga nila ang kursong gusto nila, na may plano sila sa buhay nila, na nakikita nila ang kinabukasan nila. Samantalang ako, oo, okay pa naman ang acads ko, hindi sa pagmamayabang dahil hindi naman talaga maipagmamayabang ang grades ko. Ayun, sumasabit, nakakalusot, nakakatsamba at masaya na sa tres.
Minsan gusto kong pumunta sa malayong lugar at mag-isip-isip. Hindi ko hahanapin ang sarili ko dahil tanga lang ang naghahanap sa sarili. Magulat ka makasalubong mo yan. Gusto ko lang munang lumayo at magpahinga at baka sakaling makapaghanap ako ng sagot. Pero narealize ko na hindi ko naman pala alam ang tanong. Ang saklap.
Hindi ako pwedeng huminto, dahil hindi naman umiikot ang mundo para sakin. Ayoko rin masayang ang nasimulan ko at nandito na ko. Kumbaga nagkasubuan na, wala ng urungan to. At hindi ko kakayanin ang limpak limpak na sermon ng nanay ko.
Last Friday, naglalakad ako papunta sa klase, natanaw ko ang Freedom Park. Ayos na ang mga upuan para sa mga gagraduate at berdeng-berde na naman ang damuhan. Nasabi ko na lang sa sarili ko na darating ang panahon para sa akin naman ang mga damong pinapatubo sa Freedom Park tuwing Marso. Itaga mo sa bato.

0 comments:
Post a Comment