Wednesday, May 30, 2012

The Perks of Being an Insomniac

Do you feel hopeless?
Do you feel empty?
Do you feel lonely?
Do you feel alone?
Do you have problems?
Do you have suicidal thoughts? 

Bale ngayon na lang ulit ako inabot ng ganitong oras sa harap ng computer. Actually, two days pa lang naman akong "natutulog" ng maaga,

Tama ng intro. Eto ang kwento, nagpacheck-up na ako tungkol sa insomnia ko dahil inaabot na ko ng 7AM at gising na gising pa rin ako. Ganyan na kalala yung insomnia ko. Kaya ayun sinamahan na ko ng aking inay sa doktor/psychologist para magpacheck-up. Mga hapon na kami nakarating sa clinic.

Anyway, pagpasok ko dun, may dalawang babae sa loob na pasyente. At nilista ko na yung pangalan ko. Tapos may isa pa kong nakitang pasyente sa labas naman. Ang ingay- ingay at sigaw ng sigaw pero hindi ko maintindihan yung sinasabi niya. Yung isang babae naman, yung nasa loob, divorce sa asawa at walang anak. Tapos yung isa pa, malayo naman sa asawa at kakaresign lang sa trabaho. Ako lang yung pinakabata dun. Lahat sila e parang nasa 30-40 ang edad. Pero isa lang ang sigurado ko, iisa lang kami ng problema. Lahat kami hindi makatulog.

Nung ako na yung papasok para magpacheck-up. Ayun, ayan ang mga tinanong sakin ng doktor. Yung mga nasa itaas. Hindi ko naman siya madiretso dahil hindi ko naman alam ang isasagot. Hindi ko siya maisagot ng oo o hindi. Kaya puro kibit- balikat lang ako at malaking ewan ang sinasagot ko.

"May problema ka ba?", tanong niya. Ang sabi ko, "Lahat naman ng tao may problema". At ayun hindi siya nakasagot. Tapos tinanong niya pa ko tungkol sa kung anu-ano pati yung nanay ko. Na sinasabing lately nga daw e nagiging iritable at masungit ako. Na hindi naman daw ako dating ganun. Sabi ng doktor epekto daw ng kulang sa tulog. At meron  daw akong mild depression. Tangina di'ba?

Kaya ayun, niresetahan ako ng tatlong klase ng gamot. Yung dalawa e para pampatulog daw. Yung isa e para sa mood stabilizer. Putangina. Kinokontrol na ng gamot ang mood ko. Sosyal. Tapos iyon, sinabihan pa ko ng doktor na huwag daw muna kong magcomputer. Tapos sinagot ko siya na, "As in wala? Anong gagawin ko?". "Maglinis ka ng bahay, manood ka ng tv, lumabas ka, makihalubilo ka sa mga tao." 


Anyway, ayun pagkauwi nga, hindi na pinabuksan sakin yung pc namin. Buti na lang dineactivate ko na yung Facebook at Twitter ko dahil trip ko lang at nakakaasar na ang mga tao dun. Tapos, pinainom na nga ako ng gamot. Nakatulog naman ako. 9:30PM pa lang. Pero eto ang masaklap, nagising ako ng 12AM. Kaya iyon, tulala na naman dahil hindi nga pwedeng buksan si pc. Hanggang 4AM siguro kong pabaling- baling lang sa higaan at humanap ng tamang pwesto. Nagbasa rin ako libro para antukin. Tapos nakita ko ng nanay ko dahil bukas pa ang ilaw sa kwarto ko, tapos pinainom pa ko ng gatas.


Sa ngayon, hindi pa rin ako gumagaling kung sakit man to. Pero nag-improve naman ng kaunti. Kaya ko ng matulog ng 3AM. Tinigil ko na rin yung gamot dahil ayokong maging dependent sa sleeping pills. Mukhang mas mahirap yata yun at baka ma-overdose pa ko. Pati pala yung sinasabing mood stabilizer shit e hindi ko na rin muna iniinom. Dahil feeling ko wala namang epekto. Kaso sayang ang mahal, PHP30 isa. Ewan ko ba, pinagkakitaan yata ako ng doktor. Sabi niya nga bumalik daw ako sa June 6, para tignan kung may improvement pero ewan kung babalik ako dahil tinatamad ako. Ang layo kasi nun, babiyahe pa ng isang oras.

Ang masasabi ko lang, okay naman ako kung gusto niyo lang malaman. Pwe.




Friday, May 18, 2012

Tulog Na, Mahal Ko

Malapit na mag-alas kwatro ng umaga at gising ka pa. Matulog ka na. Wala kang mapapala sa kakapuyat mo. Wala ka na ngang magawa e. Refresh ka na lang ng refresh. Hindi na rin umuusad ang news feed mo sa Facebook, dashboard sa Tumblr at timeline sa Twitter. Tulog na silang lahat. Tulog na ang mundo At dapat ka na ring matulog.

Halika na. Tabihan mo na ako dito sa higaan. Malamig ngayong madaling-araw, masarap ang may katabi. Mamaya lang ay gigising na ang mundo. Sasalabungin ka ng haring-araw, ng ingay ng tilaok ng manok at ng amoy ng kape. Halika na.  Dito tayo.

Bilisan mo, sawang sawa na ko sa unan ko.

Sunday, April 29, 2012

Tinatamad Akong Mag-isip ng Title


Tumatakbo ang oras naiiwan na ako
Ng panahon
Di na nagbago bawat araw
Pare-pareho
Parang kahapon”

Taon na ang lumipas, nakakaapat na semestre na ako at dalawang summer class, pero aminado ako na hanggang ngayon e wala pa rin akong kasiguraduhan sa pinaggagawa ko sa buhay at sa kung ano ba itong napasok ko. Lalo na ngayon na habang tumatagal, palinaw ng palinaw ang katotohanan na parang wala akong pinatutunguhan. Hindi ko alam kung umuusad ba ako o nahuhuli sa agos.  

Naiinggit ako sa mga kakilala ko na parang gustong- gusto ang ginagawa nila, na nahanap na talaga nila ang kursong gusto nila, na may plano sila sa buhay nila, na nakikita nila ang kinabukasan nila. Samantalang ako, oo, okay pa naman ang acads ko, hindi sa pagmamayabang dahil hindi naman talaga maipagmamayabang ang grades ko. Ayun, sumasabit, nakakalusot, nakakatsamba at masaya na sa tres.  

Minsan gusto kong pumunta sa malayong lugar at mag-isip-isip. Hindi ko hahanapin ang sarili ko dahil tanga lang ang naghahanap sa sarili. Magulat ka makasalubong mo yan. Gusto ko lang munang lumayo at magpahinga at baka sakaling makapaghanap ako ng sagot. Pero narealize ko na hindi ko naman pala alam ang tanong. Ang saklap.  

Hindi ako pwedeng huminto, dahil hindi naman umiikot ang mundo para sakin. Ayoko rin masayang ang nasimulan ko at nandito na ko. Kumbaga nagkasubuan na, wala ng urungan to. At hindi ko kakayanin ang limpak limpak na sermon ng nanay ko. 

Last Friday, naglalakad ako papunta sa klase, natanaw ko ang Freedom Park. Ayos na ang mga upuan para sa mga gagraduate at berdeng-berde na naman ang damuhan. Nasabi ko na lang sa sarili ko na darating ang panahon para sa akin naman ang mga damong pinapatubo sa Freedom Park tuwing Marso. Itaga mo sa bato.

Monday, April 9, 2012

Kwentong Mahal na Araw

Noong bata pa ako, kapag Mahal na Araw madaming panata ang mga nakakatanda sa amin. Naaalala ko pa yung pabasa sa bahay ng Lolo ko. Madaming matatanda dun ang nag-papasyon. Tapos walang tulugan. At kami namang mga bata e pinipilit din nilang sumali sa pabasa. E dahil sa wala naman kaming alam magpipinsan, tatakasan namin sila. Tapos maglalaro lang kami sa likod ng bahay ng Lolo. At kapag narinig na naming luto na yung sopas, magsisibalik kami para kumain. Hanggang madaling araw yun gising din kami. Para bang nakikipagsabayan kami sa matatanda. Naalala ko rin yung pinakain namin ng sopas yung alagang aso ng Lolo, “Choco” yung pangalan nun. Tapos ang takaw- takaw.
Pag kinaumagahan na, babalik kami sa bayan, para manood naman ng penitensya. Naniniwala talaga kami na pag natalsikan ka ng dugo ng mga nagpepenitensya, dapat maging doktor ka o kaya pari. Kaya iwas na iwas kami dun pero sinusundan pa rin namin sila pag lalakad na sila.
Hay. Ang sarap lang alalahanin kasi ngayon di na namin magawa yan. Siguro kasi patay na si Lolo, wala na rin si Choco at malalaki na kaming magpipinsan.

Saturday, April 7, 2012

Sooner or Later

Sino ba namang hindi maiinggit sa mga naglipanang pictures ngayon ng mga taong sulit na sulit at bonggang-bongga ang bakasyon ngayong summer? Mapa-FB, Twitter, Tumblr o kung anupamang shit yan. Para bang nagsusumigaw sila na "Hey nasa Bora ako!" "Look at me dude. Look at the sand! Look at my sexy back! Yeaaah!" "Gonna go surfing here at Baler" blah blah blah shit shits. At ang ending, ikaw lang rin ang maiinggit kasi marerealize mo na habang nagpapakasiya sila ng summer nila ikaw naman e maghapon lang nakaharap sa computer.

Haay. Gusto ko rin naman maranasan yung maglakwatsa. Lakwatsa na ibig sabihin e yung sa malayong lugar, at hindi lang sa mall at manood ng sine. Gusto ko rin mag-"travel". Buti pa yung iba nagagawa yun. Gusto ko ng yumaman. Putsa naman. Seryosong- seryoso. O kaya umulan na lang ng pera. Kahit isang araw lang, pero sana mainform naman ako. Baka naman bigla ngang umulan ng pera, tulog naman ako. Ang saklap naman nun.

Nagchat nga kanina si Nadya (housemate ko), nag-aaya na mag-Bora or Palawan daw kami. Dahil may promo daw ang Cebu Pacific. Tignan niyo na lang diyan sa link. Di ko magets e pero mukhang sobrang baba ng babayaran o wala? Basta depende sa petsa na mapipili mo. Gustong- gusto ko na talaga kanina magbook ng flight e. Ang kaso, mapupunta na naman tayo sa issue na "Wala nga kong pera".

Hirap satin e. Nabalitaan ko kanina sa Rated K na mahal daw ang kidney ngayon. Napaisip na lang tuloy ako na ibenta ang kidney ko. Tapos pinalabas naman sunod yung Till My Heartaches End ni Gerald at Kim, parang gusto ko namang magbenta na lang ng condo. Sana makahanap ako ng kayamanan. O kaya biglang madiscover na may lolo pala akong malapit ng mamatay at ako pala ang kanyang kaisa- isang apo na papamanahan ng limpak limpak na salapi. O kaya managinip ako ng mga numero, tapos tayaan ko sa lotto at maging instant milyonaryo.

Gusto ko ng yumaman. Bow.

Wednesday, April 4, 2012

Taguan Pung

Sa kagustuhan kong pagbigyan ang sarili kong kumain ng icecream kanina, inaya ko ang nanay ko lumabas para bumili. Naglakad lang kami dahil malapit lang naman ang 24/7 na convenience store sa amin. Pagdating namin sa bilihan, ubos ang lahat ng icecream maliban sa Cornetto na overpriced pa. Bumili na lang kami ng tatlo, para sa akin, sa nanay ko at sa ate ko. Tapos umuwi na kami.

Habang naglalakad, nakita ko sa daan ang mga batang-kalye sa amin na nagtataguan.

"Tagu-taguan maliwanag ang buwan. Wala sa likod, wala sa harap. Pagbilang kong sampu, nakatago na kayo. 1, 2, 3, ..... GAAAAAAAME?"


Natawa ako kasi akala ko laos na yung mga larong kalye. Akala ko e puro PSP na lang ang mga bata ngayon. O kaya Facebook at yung putanginang Tetris Battlle ang mga inaatupag nila. Hindi pala. O baka sa lugar lang namin yun. Pagdating ko sa bahay namin dala ang lusaw na icecream para sa ate ko, bigla na lang akong nakaramdam ng mga inngit sa mga bata. Buti pa sila naglalaro lang. Buti pa sila walang iniintindi. Buti pa sila siyang-siya ngayong summer. Buti pa sulit ang bakasyon. Buti pa sila ganito. Buti pa sila ganyan.

Bigla ko na lang narealize, gusto ko ulit maging bata.

Pero hindi mo na nga maibabalik ang oras, lalong hindi mo rin mapipigilan, korni pero iyon ang totoo. Kaya habang nag-inarte ako dito, nagpasya na lang akong magpapak ng Milo at manood ng Adventure Time para sa ikasisiya ko. At ng may magawa na rin.

Tuesday, April 3, 2012

Muling Pagkabuhay

Dahil Semana Santa ngayon at panahon para magnilay-nilay hindi magswimming sa kung saan-saan, at walang magandang mapanood sa telebisyon, at maghapon na kong nakatengga sa bahay, tapos lumipas ang tatlong araw at nabuhay na mag-uli si Hesus e muli kong binubuhay ang blog ko.

Sa ngalan ng Milo na iniinom ko ngayon, muli kong puputaktihin ang sangkainternetan ng mga shits ko sa buhay. Medyo boring na kasi sa Tumblr (pasintabi sa mga adik na adik sa Tumblr na puro lang naman reblog ng kung anu-anong pictures na sobrang ganda sabay babanatan ng lyrics mula sa kanta o kaya quotes na mapapalaslas ka sa sobrang ka-emohan at dagdagan mo pa ng watermark), kaya iyon dito na lang ako maglalabas ng sama ng loob, na sa tingin ko naman ay walang mag-aabalang magbasa. Unless stalker kita, pero okay lang. Gusto ko yung mga ganyang tipo.

Simula sa paghahanap ng shit na layout (salamat kay Rosele na chinat ko pa sa FB para tignan kung ano ang pinakamagandang layout sa mga napili ko, Hi Rosele! Di ko nga pala ginamit yung sinabi mong layout.), pagbabago ng mga clickables sa taas, at pagdadagdag ng mga gadgets-kuno(yung isda sa baba at yung Twitter Updates diyan sa gilid), ayun, natapos ko rin "pagandahin" ang aking bagong-bagong bonggang- bonggang blog.

At dahil wala na kong masabi at di ko alam paano tatapusin to, kaya ganto na lang bigla na lang mawawala...