Monday, April 9, 2012

Kwentong Mahal na Araw

Noong bata pa ako, kapag Mahal na Araw madaming panata ang mga nakakatanda sa amin. Naaalala ko pa yung pabasa sa bahay ng Lolo ko. Madaming matatanda dun ang nag-papasyon. Tapos walang tulugan. At kami namang mga bata e pinipilit din nilang sumali sa pabasa. E dahil sa wala naman kaming alam magpipinsan, tatakasan namin sila. Tapos maglalaro lang kami sa likod ng bahay ng Lolo. At kapag narinig na naming luto na yung sopas, magsisibalik kami para kumain. Hanggang madaling araw yun gising din kami. Para bang nakikipagsabayan kami sa matatanda. Naalala ko rin yung pinakain namin ng sopas yung alagang aso ng Lolo, “Choco” yung pangalan nun. Tapos ang takaw- takaw.
Pag kinaumagahan na, babalik kami sa bayan, para manood naman ng penitensya. Naniniwala talaga kami na pag natalsikan ka ng dugo ng mga nagpepenitensya, dapat maging doktor ka o kaya pari. Kaya iwas na iwas kami dun pero sinusundan pa rin namin sila pag lalakad na sila.
Hay. Ang sarap lang alalahanin kasi ngayon di na namin magawa yan. Siguro kasi patay na si Lolo, wala na rin si Choco at malalaki na kaming magpipinsan.

0 comments:

Post a Comment